Pacman, balilk-ensayo na para sa hinaharap na laban!

ABS-CBN Sports on Apr 09, 2015 06:30 PM
Pacman, Balilk-ensayo na para sa hinaharap na laban!
(Litrato mula sa Instagram account ni Dyan Castillejo: @dyancastillejo)

Matapos ang mabilisang pag-pahinga upang maiwasan na ma-over fatigue, balik sa ensayo na ang eight-division world champion na si Manny Pacquiao sa Los Angeles.

Sinumulan ni Pacman ang araw sa pamamagitan ng pag-takbo paikot sa bundok ng Griffith Park. Maliban sa mahabang ruta ng takbo, naging kalaban din ni Manny at ng kanyang kampo ang biglang pag-lamig ng panahon at pag-lakas ng hangin sa Los Angeles, ngunit hindi ito naging hadlang para kay “People’s Champ!”. Kung tutuusin, siya pa mismo ang nag-enganyo sa mga kasamahan na tapusin ang buong kurso ng takbo!

Sinundan ang pag-takbo ng sit-ups upang lumakas ang katawan ng ating kampeon. Kitang-kita na nasa mabuting estado si Manny dahil nagawa pa niyang kumanta ng mga praise songs habang nag-eensayo.

Ang mabilisang pahinga ay naging desisyon umano ng kampo ni Pacman upang manatili siyang gutom at ganado pagdating sa ring.

Ipinakita ito ni Manny sa kanyang sampung round ng sparring at labindalawang round ng mitts, kasama si coach Freddie Roach. Ready pang sumuntok si Manny, ngunit tama na daw iyon, sabi ni Coach Freddie.

Ayon kay Coach Freddie, may susubukan umano silang bagong strategy para sa laban, isang bagong atake na nagustuhan umano ng People’s Champ.

Handang-handa na si Manny sa laban, at kung pupuwede ngang sa susunod na linggo na ang kanilang pagtutuos ng undefeated na si Floyd Mayweather, kanya itong ikatutuwa, ngunit sa ngayon kakailanganin pa niyang mag-antay ng ilang linggo pa hanggang sa wakas ay maghaharap na ang dalawa sa loob ng ring.

Si Pacman na nga ba ang siyang magbibigay ng unang talo sa career ni Money Mayweather? Magkakaalaman na pagdating ng Mayo!

 

Latest News