"Nai-ahon kami sa hirap ng boxing" - Jason Pagara

Santino Honasan on Jul 30, 2015 05:10 PM
“Magandang buhay ang ibinigay sa amin ng boxing," - Albert Pagara

Manny Pacquiao. Nonito Donaire. Donnie Nietes.

Marahil ang tatlong ito ang pinaka-sikat na mga boksingerong Pilipino ngayon. Lahat world champion sa kanilang larangan, lahat, ilang ulit nang nakapag-uwi ng tagumpay sa Pilipinas.

Habang nananatili sa taas ng mundo ng boksing ang katulad nila Pacquiao, Donaire, at Nietes, dahan-dahan din namang umaangat sa mga ranggo ang ilang mga bago at batang nag-hahangad din na balang araw ay makilala bilang mga world champion.

Sa mga mandirigma sa ALA Boxing Gym pa lang ay ilan na ang mga kinikilalang mga “young guns” ng Pinoy boxing, mga katulad nila Mark Magsayo, Arthur Villanueva, Genesis Servania, at syempre, ang magkapatid na Jason at Albert Pagara.

Sa edad na 23 at 21 pa lamang, hindi na baguhan sina Jason at Albert sa mundo ng bakbakan. Ang nakakatandang si Jason ay natuto magboxing sa murang edad na eight years old at unang nag-professional pagtungtong niya ng 15, habang ang mas bata namang si Albert ay nagsimulang mag-ensayo noong siya’y nine years old, at nag-professional noong siya’y mag-16.

Ang kanilang ama, na siya ring dating amateur boxer ang nag-pursige sa magkapatid na pasukin ang sport na ito. “Yung papa namin, boxer din, pero amateur lang.” wika ni Jason.

Mukhang ang pagiging boksingero ay nasa dugo na din ng mga Pagara, dahil maski ang nakababata nilang kapatid na lalaki ay isa na ding amateur boxer, at kung kasing husay niya ang kanyang mga kuya, hindi malayo na maging professional din siya balang araw, pero ayon kay Albert, ang trese-anyos nilang kapatid ay nag-aaral muna.

Bilang magkapatid na maagang napasok sa pagboboksing, iispin mo na malamang nagsuntukan na itong dalawang ‘to kahit minsan, ngunit ayon naman kay Jason, sa sparring lang ito nangyayari.

Malapit sa isa’t isa ang magkapatid, at hindi rin naiiba ang hangarin ng magkapatid na ito, kung saka-sakaling hindi sila nauwi sa pagiging boksingero.

“Kung hindi ako naging boksingero, nag-aaral siguro ako. Gusto ko maging pulis,” sabi ni Jason, na siyang inulit ni Albert. “Kung nakapag-tapos ng pag-aaral, pulis din.”

Mahilig din mag-bilyar at mag-basketball sina Jason at Albert. Ika nga ni Coach Edmund Villamor, head trainer sa ALA Gym, itong magkapatid na Pagara ang pinaka-magaling maglaro sa kanilang lahat. “Ang husay maglaro ng dalawang ‘yan.”

Pero iba pa din ang pagmamahal nila sa kanilang napiling larangan, ang sport na kung saan sa napaka-batang edad ay nakahanap na sila ng ibang antas ng tagumpay,  ang sport na siyang nagbago sa kanilang mga buhay.

“Nai-ahon kami sa kahirapan ng boxing,” wika ni Jason. “Magandang buhay ang ibinigay sa amin ng boxing, nung una, yung mga hindi namin mabili, nabibili na namin.” dagdag ng kapatid.

Sa dadating na August 7, ang magkapatid na Pagara ay lilipad patungong Dubai para sa Pinoy Pride 32, at ito ang unang beses na lalaban sila sa labas ng Pilipinas, isang bagay na kanilang pinangarap noong nagsisimula pa lang silang bumato ng mga suntok.

“Syempre naman, naisip namin na lalaban kami sa labas ng bansa,” ayon kay Jason. “Gusto namin na manalo sa first time na lalaban kami sa labas ng bansa.” Dagdag ni Albert.

Malaking karangalan para sa mga batang ito na makapag pakitang-gilas sa harap ng libo-libong Pilipino sa Dubai. Para sa kanila, dala nila sa loob ng ring ang bandila ng Pilipinas, at ang kanilang panalo, ay panalo ng sambayanang Pilipino.

 

Ang Pinoy Pride 32: Duel in Dubai 2 ay gaganapin ngayong August 7 sa Dubai World Trade Center sa Dubai, United Arab Emirates.

Latest News