Nietes, Magsayo, Santisima sasabak sa Pinoy Pride 40

Santino Honasan on Mar 30, 2017 12:12 PM
Nietes, Magsayo, Santisima, sasabak sa Pinoy Pride 40
Muling lalaban para sa world title ang longest reigning Filipino boxing champion na si Donnie "Ahas" Nietes ngayong Abril.

Ang longest reigning Filipino boxing world champion na si Donnie "Ahas" Nietes ay muling lalaban para sa world championship ngayong darating na April sa Pinoy Pride 40: Domination sa Waterfront Hotel and Casino sa Cebu City. 

Paglalabanan ni Nietes at ni Komgrich Nantapech, or mas kilala bilang Eaktwan BTU Ruaviking ng Thailand ang bakanteng IBF Flyweight Championship. 

Naging matagumpay ang pagtalon ni Nietes mula light flyweight pataas ng flyweight division nang kanyang talunin si Edgar Sosa via unanimous decision noong 2016. Ito ang unang pagkakataon ni Nietes, na ranked-number three worldwide ayon sa IBF, para sa world title sa kanyang bagong weight division. Kung saka-sakali, ito na ang pangatlong world title ni Nietes sa tatlong iba't-ibang weight division (minimumweight, light flyweight, flyweight). 

Hindi naman biro ang magiging kalaban ni Nietes na si Eaktwan. Ranked na pang-apat sa buong mundo sa flyweight ayon sa IBF si Eaktwan, at kasalukuyan ay mayroon siyang fifteen-fight winning streak, kung saan ang eleven sa panalong iyon ay mula TKO o KO. Ito ang unang subok ng Thai para sa world title sa kanyang 25-fight career. 

Lalaban din sa Pinoy Pride 40: Domination ang isa sa tinataguriang future ng ALA Boxing na si Mark "Magnifico" Magsayo. Haharapin ng wala pang talo na si Magsayo ang Tanzanian na si Issa "Peche Boy" Nampepeche. 

Magpapakitang-gilas din ang ALA Boxing prospect na si Jeo "Santino" Santisima ng Masbate, kontra kay Master Suro ng Indonesia. 

Kasama din sa Pinoy Pride 40 ang bagong-pirma ng ALA Boxing na si Junrel Jimenez. 

Gaganapin ang Pinoy Pride 40: Domination sa darating na Sabado, April 29th sa Waterfront Hotel and Casino sa Cebu. 

 

KUMPLETONG PINOY PRIDE 40 FIGHT CARD

Latest News