Pinoy boxer Arthur Villanueva, lalaban sa title eliminator bout sa UK

Santino Honasan on Apr 13, 2017 12:02 PM
Pinoy Arthur Villanueva, lalaban sa title eliminator sa UK
Lalaban si Arthur Villanueva sa isang title eliminator bout sa United Kingdom ngayong April 22.

Nakataktang lumaban sa WBO bantamweight title eliminator bout ang number one ranked WBO bantamweight contender at ALA Boxing standout na si "King" Arthur Villanueva kontra kay dating IBF super flyweight world champion na si Zolani Tete ng Cape Town, Africa. 

Ayon kay Villanueva, ang reigning WBC Asia Pacific bantamweight champion, itinuturing niya ito na kanyang huling pagkakataon na makakuha ng laban para sa isang world title, kaya't todo-todo ang pag-eensayo ng tubong-Bago City, Negros Occidental. 

Minsan nang lumaban ang 28-taong gulang na si Villanueva para sa world title nang kanyang kalabanin ang Puerto Rican na si McJoe Arroyo para sa bakanteng IBF world super flyweight championship noong 2015. Natalo si Villanueva sa pamamagitan ng technical decision, ang una at nag-iisang pagkatalo sa kanyang karera. 

Mula noon ay umangat na sa bantamweight si Villanueva, at nag-tala ng tatlong sunod-sunod na panalo, dalawa sa pamamagitan ng KO. 

Hindi naman magiging madaling kalaban ang South African na si Tete. 

Ang dating world champion ay mayroong 24-3 na professional record, kung saan 20 sa kanyang mga panalo ay nanggaling sa KO. Kasalukuyan ay walong sunod-sunod na panalo na ang panalo ni Tete, at kabilang doon ay ang pagka-panalo at pag-depensa niya sa IBF world super flyweight championship noong 2014 at 2015. 

Maghaharap si Villanueva at si Tete sa dadating na April 22 sa Leicester Arena, sa Leicestershire, United Kingdom. 

Ang manalo sa laban ay ang sunod na kakalabanin ng mananalo sa WBO bantamweight title bout sa pamamagitan ni Marlon Tapales ng Pilipinas at Shohei Omori ng Japan sa dadating na April 23. 

Kung mag-wagi si Villanueva at Tapales, maghaharap ang dalawang Pinoy para sa world championship. 

 

Mapapanood ang laban ni Arthur Villanueva at Zolani Tete ngayong April 23, 6:00 PM sa S+A channel 23.

Latest News