Arthur Villanueva talo sa title eliminator bout sa UK

Santino Honasan on Apr 23, 2017 11:21 AM
Arthur Villanueva talo sa title eliminator bout sa UK
Bigo si Arthur Villanueva sa kanyang title eliminator bout kontra kay Zolani Tete ng South Africa.

Bigong makakuha ng isa pang pagkakataon sa world title si Filipino boxer 'King' Arthur Villanueva matapos siyang talunin ni Zolani Tete ng South Africa via unanimous decision sa kanilang title eliminator bout sa Leicester, United Kingdom noong Sabado. 

Dominado ni Tete mula sa umpisa ang laban, kung saan naging lamang ang kanyang footwork at ang kanyang jab. Pagdating ng 11th round, nakakuha pa ng knockdown ang former world champion. 

Hirap naman si Villanueva na maka-tama kay Tete, na naging komportable sa harap ng Pinoy. 

Pagkatapos ng 12 rounds, nakuha ni Tete ang 119-108, 119-108 at 120-107 na unanimous decision win, at ang interim WBO world bantamweight championship. 

Aantayin ngayon ni Tete kung mapapanalunan ni Shohei Omori ang WBO world bantamweight championship sa laban nila ni Marlon Tapales sa Japan. 

Tinanggalan ng titulo ang former champion na si Tapales dahil lagpas sa limit ang kanyang timbang para sa title bout. 

Balik-trabaho naman para kay Villanueva na tinanggap ang ikalawang pagkatalo sa kanyang career. 

Latest News