Depensa ang naging focus ng training ni Pinoy boxer Mark Magsayo

Santino Honasan on Apr 27, 2017 05:33 PM
Depensa ang naging focus ng training ni Mark Magsayo
"Ang expectation ko dito, manalo ako, hindi ko iniisip na mag-knockout, pero nagtraining ako para umabot ng 10 rounds, twelve rounds, kaya prepared na talaga." - Mark Magsayo

Isa sa mga tinataguriang 'up-and-coming' stars ng Philippine boxing ay ang 21-year old na si Mark 'Magnifico' Magsayo ng ALA Promotions. 

Tubong Tagbilaran, Leyte, kilala si Magsayo bilang isang exciting na panoorin na fighter dahil sa kanyang taglay na knockout power sa kanyang mga kamay. 

Masasabing isa sa mga 'must-watch' na laban niya ay ang kanyang panalo kontra kay former world title contender Chris Avalos noong April ng nakaraang taon, kung saan nanalo si Magsayo sa pamamagitan ng isang sixth-round knockout matapos siyang muntikang matigil ni Avalos sa umpisa ng laban. 

Bagama't ito ang masasabing pinaka-malaking panalo ni Magsayo sa kanyang batang career, isa rin itong nagsisilbing patunay na may mga bagay pa na kailangang ayusin ang batang boksingero sa kanyang laro, at kabilang na dito ay ang depensa. 

Aminado naman si Magsayo dito, kaya ito umano ang kanyang pinagtuunan ng pansin para sa kanyang nakatakdang laban sa Pinoy Pride 40: Domination ngayong Sabado kontra kay Issa Nampepeche ng Tanzania. 

"Natatakot sila na baka ma-tulad ako nung kay Avalos, na yung depensa ko kulang, kaya yung depensa ko yung ina-adjust namin sa training," wika ni Magsayo sa press conference. 

September 2016 pa nung huling lumaban si Magsayo, at ayon sa kanya, pakiramdam niya malaki na ang naging improvement ng kanyang depensa mula noon kumpara sa ngayon, lalo na pagdating sa counter-punching.

"Yun yung inimprove ko, yung pag-depensa pag-sumuntok ako, pag magkasabay, may depensa." 

Kampante naman si 'Magnifico' na kaya niyang i-improve sa 16-0 ang kanyang kartada sa darating na Sabado, at handa siya kahit gaano kahaba abutin ang kanyang laban. 

"Ang expectation ko dito, manalo ako, hindi ko iniisip na mag-knockout, pero nagtraining ako para umabot ng 10 rounds, twelve rounds, kaya prepared na talaga."

 

Ang Pinoy Pride 40: Domination ay gaganapin sa Sabado, April 29 sa Waterfront Hotel and Casino sa Cebu City. 

Mapapanood ang telecast sa Linggo, April 30, 3:30 PM ABS-CBN channel 2 at 8:00 PM sa S+A channel 23! 

Latest News