'Like a 22-Caliber' - Donnie Nietes, nais ipamalas ang kanyang lakas kontra kay Nantapech

Santino Honasan on Apr 27, 2017 09:05 PM
Donnie Nietes, nais ipamalas ang kanyang lakas
"Ipatikim ko sa kanya na kahit may edad na, pag tumama sa kanyang katawan, like a 22-Caliber." - Donnie 'Ahas' Nietes

Sa press conference bago ang Pinoy Pride 40: Domination, inihalintulad ni Donnie 'Ahas' Nietes ang sarili sa fine wine kumbaga, na habang tumatanda ay mas sumasarap, o sa kaso ni Nietes, habang tumatanda ay lalong gumagaling. 

Marahil ay totoo ito para sa 34-anyos na si Nietes, na sa Sabado ay tinatarget ang kanyang ikatlong world championship sa pangatlong weight division sa kanyang laban kontra kay Komgrich Nantapech ng Thailand. 

Pero sa edad ni Nietes, hindi na siya matatawag na bata, ngunit kita sa longest reigning Filipino boxing world champion na mas komportable siya sa 112-pounds. 

Ayon kay "Ahas", malaking bagay sa kanya ang disiplina at pag-eensayo. 

"Self discipline talaga, like sa pagkain, tsaka sa training namin, hindi kami nagpabaya sa training namin, pag may upcoming fight kami, talagang focused kami sa training." 

Kung dati ay mukhang pagod sa press conference pa lang, ngayon ay di hamak na mas ganado at mas animated kumbaga si Nietes, at ayon sa kanya, ito'y dahil hindi na niya kinakailangang pababain ang timbang sa 108-pounds. 

"Dati kasi, parang i-foforce mo talaga yung katawan mong makuha yung weight mo, unlike sa ngayon, grabe talaga yung pag-mamanage ng timbang ko."

Sa kanyang unang laban sa flyweight kontra kay Edgar Sosa sa US, ipinakita ni Nietes na kahit umangat siya ng timbang, andun parin ang kanyang bilis at pagka-explosive. Sa ngayon naman, ang kanyang power umano ang kanyang tinrabaho. 

"Sa ngayon, talagang inimprove namin ni coach yung power ko talaga. Talagang nafi-feel ko yung power ko talaga. Yung speed, okay lang, maintained talaga yung speed, pero yung power ko parang medyo nadagdagan."

Sa kanyang laban kontra kay Nantapech, gusto niya umano sampolan ang Thai na kalaban ng kanyang panibagong na-develop na power.

"Syempre, ipapatikim ko talaga yung bagong power ko,"

Dagdag pa ni Nietes na gusto niyang ipakita na kahit hindi na siya bata, kakaiba pa din ang kanyang taglay na lakas. 

"Ipatikim ko sa kanya na kahit may edad na, pag tumama sa kanyang katawan, like a 22-Caliber."

 

Maghaharap si Donnie Nietes at si Komgrich Nantapech para sa bakanteng IBF World Flyweight Championship sa Pinoy Pride 40: Domination ngayong Sabado, April 29 sa Waterfront Hotel and Casino sa Cebu City. 

Mapapanood ang telecast sa Linggo, April 30, 3:30 PM ABS-CBN channel 2 at 8:00 PM sa S+A channel 23! 

Latest News