Pinoy boxer Jeo Santisima, mabibigyan ng mahalagang exposure sa Pinoy Pride 40

Santino Honasan on Apr 27, 2017 03:29 PM
Santisima, mabibigyan ng mahalagang exposure sa Pinoy Pride
"Yung goal ko talaga, hindi lang yung ikatlo ako sa fight, gusto ko parin na ma-aabot yung mga pangarap ko na makalaban ng championship." - Jeo Santisima

Dahan-dahan ay mas nabibigyang-exposure na ang Masbatenyong boksingero na si Jeo 'Santino' Santisima. 

Kung dati ay kabilang lamang ang 20-anyos na junior bantamweight prospect ng ALA Promotions sa mga featured na undercard, sa darating na Pinoy Pride 40: Domination ngayong Sabado sa Cebu, si Santisima na ang ikatlong featured na fighter sa gabi, ang laban bago ang co-main event. 

At hindi lamang ito basta-basta na card, dahil ang main event ay walang iba kundi si Donnie "Ahas" Nietes, na minamata ang kanyang ikatlong world championship, samantalang nasa co-main event naman ang unbeaten ALA Promotions star na si Mark "Magnifico" Magsayo. 

Para sa isang fighter na kasing aggresibo ni Santisima, na mayroong labing-isang knockout sa labin-dalawang panalo ang kanyang pagiging featured fighter sa isang malaking Pinoy Pride event ay isang magandang paraan upang siya'y mas lalo pang makilala ng mga fans ng boxing sa bansa. 

"Nagpapasalamat lang talaga ako sa kanila, lalong-lalo na sa ALA Promotions, na ibini-build up nila ako." wika ni Santisima. 

Pero tulad ng lahat ng mga batang atleta, hindi lamang nagtatapos sa pagiging featured fighter ang hangarin ni Santisima.

Oo, masaya siya na mas na-eexpose siya, pero higit pa dito ang kanyang inaasam. 

"Yung goal ko talaga, hindi lang yung ikatlo ako sa fight, gusto ko parin na ma-aabot yung mga pangarap ko na makalaban ng championship."

Tumatayo sa 11-2 ang kasalukuyang record ni Santisima, at sampu na ang kanyang sunod-sunod na naipanalo. Sa bawat panalo, tumataas ng tumataas ang lebel ng kanyang mga nakakalaban. 

Sa darating na Sabado, kaya ni "Santino" na gawing labing-isa na sunod-sunod ang kanyang panalo kung kanyang malagpasan ang Indonesian na kalaban na si Master Suro. Kung impressive ang maging panalo ni Santisima, asahan na isa itong hakbang patungo sa kanyang inaasam na pagkakataon sa lumaban para sa championship. 

 

 

Ang Pinoy Pride 40: Domination ay gaganapin sa Sabado, April 29 sa Waterfront Hotel and Casino sa Cebu City. 

Mapapanood ang telecast sa Linggo, April 30, 3:30 PM ABS-CBN channel 2 at 8:00 PM sa S+A channel 23! 

Latest News