Filipina footballers panalo kontra Iraq, 4-0

ABS-CBN Sports on Apr 06, 2017 12:47 AM
Filipina footballers panalo kontra Iraq, 4-0
(Photo courtesy of Mia Montayre of the Philippine women's national football team)

Dalawang araw makalipas ang kanilang pananambak sa UAE, muli na namang nag-domina ang Philippine women's national football team nitong nakaraang Miyerkules, nang kanilang pataubin ang Iraq sa score na 4-0 din, para sa kanilang ikalawang panalo sa kasalukuyan nagaganap na 2018 Women's AFC Asian Cup qualifiers tournament, sa Dushanbe, Tajikistan. 

Tulad lang sa kanilang panalo kontra ang UAE, si Eva Madarang ang muling nagsimula ng atake ng mga Pinay nang siya'y umiskor sa ika-21' na minuto. 

Sumunod naman na umiskor si Hali Long para bigyan ang Philippine team ng komportableng 2-0 lead sa ka-44 na minuto. 

Hindi pa natapos doon ang mga Pinay, sapagkat muli pa nilang nahanap ang likuran ng net mula sa mga atake ni Sara Castañeda at Alesa Dolino sa ika-una at ikatlong minuto ng injury time sa first half para sa 4-0 na tala pagdating ng halftime. 

Bagama't hindi na muling nakaiskor ang Philippine team, nagawa nilang panatiliing malinis ang kanilang goal line at hindi hinayaang maka-iskor, ni isa, ang Iraq. 

Nananatiling nasa ikalawang pwesto sa Group A ang Pilipinas, na mayroon nang anim na puntos mula sa kanilang dalawang panalo. Nangunguna pa din sa grupo ang Jordan, na mayroong kaparehong kartada sa Pilipinas, ngunit nakakalamang sa goal difference. 

Sunod na haharapin ng Pilipinas ay ang Tajikistan, na kasalukuyang nasa ika-apat na pwesto dahil sa kanilang isang panalo at isang talo sa loob ng dalawang laro. 

Maghaharap ang Pilipinas at Tajikistan sa April 7. 

Latest News