Pinay footballers, 8-0 ang panalo sa Tajikistan

ABS-CBN Sports on Apr 07, 2017 11:39 PM
Pinay footballers, 8-0 ang panalo sa Tajikistan
(Photo courtesy of Mia Montayre of the Philippine Women's National Football Team)

Sa pangatlong pagkakataon, muli na namang nakakuha ng malaking panalo ang Philippine Women's National Football Team matapos nilang tambakan ang Tajikistan sa score na 8-0, Biyernes ng gabi sa kanilang paghaharap sa 2018 Women's AFC Asian Cup Qualifiers sa Dushanbe, Tajikistan 

Sa pangatlong sunod-sunod na laro, si Eva Madarang na naman ang unang naka-score para sa mga Pilipina matapos niyang ibigay ang kalamangan sa ika-17 na minuto. 

Sinundan naman ito ng goals mula kay Anicka Castañeda sa ika-34 na minuto at Hali Long sa ika-38 na minuto para bigyan ng 3-0 na lamang ang Pilipinas pagkatapos ng first half. 

Pinagpatuloy ni Sara Castañeda ang walang-humpay na pag-score ng Pilipinasa sa second half matapos niyang gawing apat ang kalamangan pagkatapos ng 48 minutes. 

Lalong nilakihan ni Long ang kalamangan nung ika-54 na minuto, bago niya makumpleto ang kanyang hat trick sa ika-84 na minuto para i-angat sa 6-0 ang lamang ng mga Pilipina. 

Dinagdagan pa ni Anicka Castañeda ang lamang ng Pilipinas sa ika-85 na minuto, bago sinara ni Mary Cristine Duran sa 8-0 ang panalo sa ika-90 na minuto. 

Pinarangalan bilang Woman of the Match si Anicka Castañeda matapos siyang makapag-tala ng brace at nagawa ding mag-assist sa kanyang mga kakampi. 

"With the momentum we’re having right now we can go into the match on Monday with a positive attitude – but we don’t want to underestimate Bahrain." sabi ni Philippines head coach Letecia Bautista mula sa interview sa AFC website

Umangat na sa pinaka-taas ng Group A ang Pilipinas, na mayroong nine points mula sa kanilang tatlong panalo. 

Sunod na haharapin ng mga Pilipina ang Bahrain, at maari nilang ma-secure ang kanilang pwesto sa 2018 AFC Women's Asian Cup final round kung makuha nila ang panalo. 

Maghaharap ang Pilipinas at Bahrain sa darating na Lunes, April 10. 

Latest News