Pinay footballers, pasok na sa Women's AFC Asian Cup

ABS-CBN Sports on Apr 11, 2017 07:18 AM
Pinay footballers, pasok na sa Women's AFC Asian Cup
(Photo courtesy of Mia Montayre)
Isang last-minute equalizer mula kay Sara Castañeda ang nagbigay sa Philippine Women's National Football Team ng 1-1 draw kontra sa Bahrain, Lunes ng gabi sa Dushanbe, Tajikistan, para ma-sigurado ang pagpasok nila sa 2018 Women's AFC Asian Cup tournament sa Jordan. 
 
Matinding depensa ang ginawa ng Bahrain upang mapigilang umiskor ang mga Pilipina, na nagawang umiskor ng combined na 16 goals sa unang tatlo na laro nila, kaya't nanatili sa 0-0 ang score pagdating ng halftime. 
 
Sa una ding pagkakataon sa qualifiers, naiskoran ang mga Pilipina, nang sila'y maunahan ng Bahrain sa ika-56 na minuto ng laban, mula sa goal ni Noora Sami Al-Dossary. 
 
Ngunit pagdating ng ika-82 na minuto, nagmistulang hero si Castañeda nang siya'y maka-score mula sa pasa ni Patricia Tomanon para maitabla ang laban sa 1-1. 
 
Muli pang sinubuka ng mga Pinay na maka-score ulit para makuha ang panalo, ngunit matapos ang 90 minutes at injury time, nanatili sa 1-1 ang score. 
 
Dahil sa tabla, umangat ang Pilipinas sa ten points at kanilang sinigurado ang pwesto sa 2018 Women's AFC Asian Cup sa Jordan, na magsisimula sa April 7, 2018. 
 
Subalit hindi pa dyan nagtatapos ang kampanya ng mga Filipina booters, dahil may pagkakataon pa silang tapusin ang tournament sa pinaka-taas ng Group A kapag kanilang ma-talo ang Jordan, na mayroong apat na panalo sa apat na laro. 
 
Maghaharap ang Pilipinas at Jordan sa dadating na April 12. 
 

Latest News