Pinay footballers, talo sa huling laban sa Tajikistan

ABS-CBN Sports on Apr 12, 2017 10:09 PM
Pinay footballers, talo sa huling laban sa Tajikistan
(Photo courtesy of Mia Montayre, Philippine Women's National Football Team)

Nakatikim ng talo ang Philippine Women's National Football Team sa kanilang huling laro sa 2018 Women's AFC Asian Cup Qualifiers tournament nang sila'y pataubin ng Jordan, 1-5, Miyerkules, sa Dushanbe, Tajikistan. 

Malakas ang naging simula ng Jordan laban sa Pilipinas, at ang kanilang atake ay pinangunahan ni Luna Al-Masri na naka-score agad sa loob lamang ng 15 na minuto. Sinundan naman ito ni Maysa Jbarah, na kumamada ng dalawang magkasunod na goal sa ika-29th at ika-37th na minuto para bigyan ang Jordan ng 3-0 lead sa halftime. 

Muli namang naka-goal si Al-Masri sa ika-48th na minuto, bago gawing 5-0 ni Stephanie Al-Naber ang laban sa ika-67th na minuto. 

Hindi naman pumayag ang mga Pilipina na sila'y ma-blanko sa huling laban at nagawang-maka goal ni Alisha Del Campo sa unang minuto ng injury time sa second half. 

Bagama't natalo ang mga Pilipina, nagtapos parin sila na runners-up ng Group A, at kanilang na-secure ang pwesto sa 2018 AFC Women's Asian Cup na gaganapin sa Jordan sa sunod na taon. 

Nagtapos ang Pilipinas na may tatlong panalo, isang draw, at isang talo para sa ten points. 

Ito ang magiging ika-siyam na pagkakataon na makapasok ng Pilipinas sa AFC Women's Asian Cup. Huling naka-pasok ang mga Pilipina noon pang 2003, kung saan Group Stage ang pinaka-malayo nilang inabot. 

Magsisimula ang AFC Women's Asian Cup sa April 2018. 

Latest News