KAGULO SA NCAA

Mikee Reyes on Sep 21, 2015 08:58 PM
KAGULO SA NCAA
"Anim na team nagpapatayan na, wag lang matanggal!" -- Mikee Reyes

Brad, balita? Nanunuod ka ba ng NCAA? Seryoso? Sumusubaybay ka ba talaga o nasasaktuhan mo lang pag hapon kada Tuesday, Thursday tsaka Friday? Di nga? So alam mong analyst ako dun?! Oo, analyst ako dun! Di ko din alam paano ako napunta dun pero ako na pinaka gwapong analyst dun! Wag mo nalang sabihin kay Coach Allan tsaka kay Coach Olsen.

Pero seryoso, siguro naman alam mo na malapit na mag final 4? Pare, nagkakagulo na! Nakita mo ba yung standings? Anim na team nagpapatayan na, wag lang matanggal! Ganun katindi! Tingnan mo to:

SBC 11-3

CSJL 11-4

UPHSD 10-4

MIT 10-5

AU 10-5

JRU 9-6

Kita mo na! Papi naman kasi, malaking bagay yung pagkatalo ng Letran sa JRU last week. Kung natalo JRU dun, tanggal na sana sila. Pero nakahanap pa ng paraan tong si Pontejos eh! Pero ano kaya nangyayari sa Letran noh? Buong season number one sila pero ngayon, may chance pa sila malaglag. Sayang naman, diba? Eh yung Mapua, nabalitaan mo?! Brad, anim na sunod sunod na panalo na sila! Di pa nga sila natatalo buong second round. Akalain mo yun?

Matindi talaga ngayon sa NCAA! Di mo talaga alam ano mangyayari eh! Pero sige, check nga natin bawat team:

San Beda Red Lions: 11-3
Remaining games: SSC-R, MIT, AU, CSJL

Ano pa nga ba? San Beda na naman nangunguna sa NCAA! Para namang hindi na bago yun. Hindi pa ba tayo sanay? May magugulat pa ba dun? Parang nag warm-up lang talaga sila nung umpisa kaya naman ngayon, eto na sila. Oo bago nga coach nila, pero sanay din naman yun manalo. Eh juniors palang ako, di na ko manalo sa Ateneo ni Coach Jamike eh! Tsaka Andun padin naman si Ola, sama mo pa yung Art Dela Cruz na pang MVP maglaro ngayon. Brad, bumalik pa yung Baser! Oo, nakabalik na! Matagal tagal din natin siya inintay. Halo mo pa tulong nina Koga, Sara tsaka si Tongco. Oo, basta sila! Madami sila dun! Kaya ayun, sila na uli number one.

Actually, sa lahat ng team, Beda yung mukhang siguradong pasok na. Kailangan lang nila siguraduhin yung Baste, pasok na sila eh. Pero alam mo naman Beda, sanay sa twice-to-beat advantage yan sa semis! Yun ang hinahanap nila, sigurado. Kaya lang mapapalaban sila, tingnan mo naman kasi schedule nila pagkatapos ng Baste. Una, Mapua! Maganda dapat gising ni Ola sa araw na yun, halimaw yung Orame eh! Tapos, Arellano. Eh tinalo sila nun nung first round diba? Meron pa silang Letran na siguradong dikdikan nanaman! Lagi naman eh. Basta Beda-Letran, bilog bola.

Nakita mo na? Kahit yung San Beda na nangunguna ngayon, di pa din pwede mag-relax. Eh kung matalo nga sila sa lahat ng natitirang games nila, tanggal pa sila eh! Well, malabo naman mangyari yun, Beda to eh! Pero sinasabi ko lang, ganun talaga kadikit labanan ngayon sa NCAA! Pero basta yun, siguraduhin muna nila yung Baste bukas, pasok na sila sa Final 4. From there, malamang twice-to-beat advantage na hahabulin nila!

Letran Knights: 11-4
Remaining games: AU, UPHSD, SBC

Ano kaya nangyayari sa Letran? Buong season sila number one eh, medyo minamalas nga lang sila dito sa second round. O baka nascout na sila? O kaya pagod lang? Di ako sure eh.

Tas alam mo naman tong Letran, never kumukuha ng import. Yun din laging sinasabing rason ngayon kasi eh, labanan na daw ng mga import sa NCAA. Mahihirapan ka daw kung wala kang import, pero talagang pinaninindigan ng Letran yung all-Filipino lineup nila!

Panahon palang nung mag-ama, si Kevin tsaka si Coach Louie, wala ng import import eh. Kaya nung mga huling laro nila, medyo nahirapan nadin sila. Kumbaga lumabas na weakness talaga nila. Nahirapan sila sa mga import ng JRU. Tas itong huling laro nila kalaban Mapua, si Oraeme naman! Brad, trenta ni-rebound sakanila. Oo nga, trenta! Minama talaga sila sa ilalim.

Pero kahit na, palaban naman lagi tong Letran! Dun naman sila kilala. Lalaban at lalaban tong team na to kahit sino pa kaharap, kahit pa di ganun kalaki mga big man nila. MAYHEM nga daw ika ni Coach Aldin!

Pangalawa Letran ngayon sa San Beda pero nakita mo ba mga sunod na kalaban nila?! Grabe, isipin mo, pagkatapos mo makipagbakbakan sa Arellano, Perpetual naman susunod! Tas yung akala mong makakapagpahinga ka na, dadaanan mo pa yung hari ng NCAA, yung mga leon!

Matindi dadaanan ng Letran! Kailangan nila manalo ng isa dun sa tatlong yun para pumasok sila. Madali sana sabihin pero mapapalaban talaga sila. Okay din na test to para sa kanila kung papasok sila ng Final 4!

Sigurado ako makikipagpatayan na ang tinguriang “Suicide Squad” ng NCAA. Papayag ba naman si Ant Man na number one sila halos buong season tas malalaglag lang sila? Papayag ba naman si Racal tsaka si Nambatac? Ewan ko lang ah.

University of Perpetual Help System Dalta Altas: 10-4
Remaining Games: EAC, JRU, SSCR, CSJL

Grabe yung Scottie Thompson ngayon noh? Triple double na naman siya nung kalaban Benilde last week! Pang ilan na ba niya yun? 6 na ata? Grabe. Akala mo NBA eh. Sama mo pa yung Bright Akuhetie. Grabe naman kasi yun, akala mo si LeBron. Nakakatakot maglaro eh. Brad, nakita mo ba yung dinakdakan niya si Ola?! Wild eh. Di makatao! Si Ola nay un ah, tas ginanun ganun lang niya?!

Actually, itong Perpetual, isa to sa mga favorites bago magsimula yung taon. Sila daw makakatalo sa San Beda! Mukhang kaya naman, kumpleto din kasi mga tauhan ni Coach Aric.

Dalawang panalo pa kailangan ng Perpetual para makapasok ng semis. Pero alam naman natin up for grabs pa yung twice-to-beat advantage at panigurado, nakatingin din dun tong Perps.

Masasabi mong swerte sila kasi may mga makakalaban silang hindi kasama dun sa anim eh. May EAC sila na medyo nangangapa pa din, tapos may Baste din sila. Kung matalo nila yung dalawang to, pasok na sila! Pero siyempre kung gusto nila mag first or second place, dapat makaisa din sila sa JRU o kaya sa Letran.

Maganda tsansa ng Perps makapasok, sa totoo lang. Mas magandang tanong siguro, ilan kaya sa 4 na larong natitira makaka triple double uli si The Pearl?

Mapua Cardinals: 10-5
Remaining Games: SBC, EAC, CSB

Eto, brad! Binanggit ko nga yung Mapua kanina. Alam mo ba gano kainit Mapua ngayon? Di pa sila natatalo buong second round! Oo nga! Six straight! As in tinalo nila Arellano, Letran, Perpatual tsaka JRU! Akalain mo yun? Eh 4-5 nga sila pagkatapos ng first round tas ngayon, tied for fourth place na. Bumulusok tong Mapua talaga!

Paano din naman kasi hindi mananalo tong Mapua? Eh meron silang Allwell Oraeme. Grabe yung si Oraeme, brad! Trenta nirebound, dalawang magkasunod na laro na! As in 30 kada laro ah! Hindi pa nga nila masyado ginagamit si Josan Nimes niyan.

Nagpapakilala din naman kasi yung mga bulilits nitong Mapua! Sina Nieles, Biteng tsaka yung Menina! Ah, yung Que pa pala! As in sabay sabay sila maglaro ah! Di mo nga alam sino ba point guard at sino shooting guard, basta tatlong bulilit tapos sama mo si Brana sa kwatro tas si Oraeme sa singko, palaban na yun! Pramis!

Sabi ko nga, di pa natatalo tong Mapua buong second round at dahil diyan, malaki bigla tsansa nila pumasok ng final 4. Isipin mo dinaanan na nila yung mga mabibigat na team! So ngayon kailangan lang nila manalo ng dalawa sa huling tatlong laro nila. Mapanalo lang nila yung EAC tsaka CSB, pasok na sila.

Brad, naghihingalo pa tong team na to nung bandang simula ng season, ngayon baka sila pa pumasok! Akalain mo yun? Alam mo naman, All is well when you have Allwell.

Arellano University Chiefs: 10-5
Remaining Games: CSJL, SBC, EAC

Arellano na? Sino nga ba yung magaling dun? Si ano.. Si.. Jalalon ba yun? Tama ba?.. Sira ulo ka pala eh. Niloloko lang kita! Di mo kilala si Jalalon?! Akala ko ba nanunuod ka ng NCAA? Ito yung match-up ni Thompson! Ganun din katindi to! Sabi ko nga bago pa ng season, best point guard in college basketball to eh! Hindi lang sa NCAA ah! College basketball talaga, as in yung kabuuan! Oo nga, kasama nga UAAP! Gulo mo ah? Pinaniniwalaan ko talaga to, sinabi ko pa nga on-air eh! Nagulat nga tong kaibigan kong si Anton Roxas! Pero siyempre madaming nagsasabi na si Scottie Thompson daw. Actually, kahit sino pa sa kanilang dalawa, matindi kasi talaga sila parehas.

Brad, boy triple double din tong si Jalalon eh. Nakaka 4 na din ata to! Pero siyempre, di lang naman siya inaasahan sa Arellano. Andun pa yung Salado. Makulit din yun eh. Akala mo nga batang kapatid ni Jalalon kung maglaro. Tas yung 3-pointer pa nila, yung tisoy! Yung Nicholls ba yun? Sabay, sama mo pa yung rookie of the year last year, si Holts, malakas din talaga tong team ni Coach Jerry!

Kaya lang, malaking bagay yung talo ng Arellano sa JRU nung Friday. Kung napanalo kasi nila yun, isang panalo nalang sana kailangan nila para sure pasok na. Pero sige sige, tapos na yun eh. Basta, kailangan nila manalo ng dalawa sa huling tatlong laro nila. One game at a time muna para sa Chiefs ah. Original na original noh? One game at a time ba.

Isipin muna nila Letran sa Friday. Bakbakan nanaman yun, sigurado! Tapos nun, yung rematch ng Finals last season naman. Makadukot lang sila ng isang panalo dun sa dalawang yun, tapos ipanalo nila yung EAC, pasok na uli sila sa final 4.

Siyempre nag-finals tong team na to last year, papayag ba silang hindi umabot dun uli? Oo, madaming nawala. Sina Pinto, Agovida, Caperal tsaka Hernandez, pero andiyan padin naman yung bus driver, yung konduktor tsaka yung mga pasahero nila!

Jose Rizal University Heavy Bombers: 9-6
Remaining Games: UPHSD, LPU, SSCR

Madaming nagsabi bago magsimula yung season na, katulad ng Perpetual, malaki din ang tsansa ng JRU mag-champion this year. Nakita na natin potential ng JRU sa ilang mga laro. Alala niyo ba yung tambak sila ng 17 points sa Mapua nun? 3 minutes nalang ata yun, naipanalo pa nila! Kung may Teytey ka ba naman eh, anything is possible talaga. Pero ayun nga, consistency nalang siguro ang hinahanap ni Coach Vergel sa mga bata niya.

Madami din kasi talagang bala tong JRU. Di lang kasi si Teytey, may Pontejos ka pa tsaka Dela Paz. Sama mo pa yung dalawang import din na nagpapalitan! Agree din naman ako before the season na isa yung JRU sa mga lalaban para sa championship. Medyo naghihingalo nga lang sila ngayon, pero sigurado di susuko tong team na to.

Brad, do-or-die na ang JRU sa lahat ng natitirang laro nila. Actually, yung huling tatlong laro, do-or-die na sila nun eh. Naipanalo nila lahat ng yun, pati nga yung Arellano tinalo nila nung Friday. Pero ayun, pressure na kada laro para sa Heavy Bombers. Perpatual kalaban nila sa Friday, patayan yun! Tas may LPU sila tsaka Baste. May pag-asa pa tong JRU, di ako magugulat kung pumasok pa sila!

Kagaya ng Arellano, one game a time din malamang ang mindset ng mga bata ni Coach Vergel. Perpetual muna tas saka na nila isipin yung LPU tsaka Baste. Yung 17 points nga nahabol nila ng 3 minutes lang eh! 3 panalo nalang yan. Kakayanin pa yan nina Teytey!

Oh ano?! Ayun na silang lahat! Nakita mo na gano kagulo at ka-exciting ang NCAA? Ilang linggo nalang natitira, malalaman na natin sino mga papasok ng final 4! At sigurado, maskagulo pa pagdating dun sa semis!

Nga pala! Abangan niyo sa September 25, lahat ng team na pinagusapan natin, maglalaban laban! Yun na siguro ang pinaka mainit at pinaka matinding araw na magaganap sa San Juan Arena! Judgement day yun, MIT vs SBC, JRU vs UPHSD, tsaka CSJL vs AU! Grabe, diba?

Kita niyo na, madami pang pwedeng mangyari sa NCAA! Siguraduhin niyong manuod kayo ah! O kaya, kita kita nalang kaya tayo sa Arena? Masmaganda pa yun! Masaya dun pag gameday! Pramis! Sige, kita tayo dun ah? Text text!

Latest News