Filipina fighter Gina Iniong, excited na para sa ONE Championship debut

Santino Honasan on Apr 14, 2017 09:57 AM
Filipina fighter Gina Iniong, excited na para sa ONE debut
"Magandang test para sa kanya 'to. Mag-expect sila ng magandang striking and magandang laban, abangan nila si Gina." - Team Lakay head coach Mark Sangiao on Gina Iniong

Isa sa mga pinaka-inaantabayanan na laban sa dadating na ONE Championship: Kings of Destiny sa Manila ay ang ONE Championship debut ng Team Lakay standout na si Gina 'Conviction' Iniong. 

Sa edad na 27 years old at may record na 4-2, gumawa ng pangalan si Iniong sa regional promotions, at ngayon ay maipapakita na niya ang kanyang mga talents sa mas malaking fanbase. 

Sa kanyang unang laban, makaka-harap niya ang Fil-Australian na si Natalie Gonzales-Hills. 

"Very excited na na maglaro, lalo't alam ko rin na pinaghandaan ako ng kalaban ko, kaya magiging maganda yung laban," sabi ni Iniong sa ABS-CBN Sports. "Itong first fight ko po kasi, maraming nag-aabang sa laban ko, lalo na dito sa ONE Championship, kaya hundred percent na ibibigay ko yung best ko dito sa laban ko."

Ang laban ni Iniong sa dadating na April 21 ang unang beses din na magpapakitang gilas si Iniong sa harap ng crowd na kasing-laki ng Mall of Asia Arena, at para sa kanya, magkahalong pressure at inspiration ang kanyang nararamdaman. 

"May pressure din kaunti, pero alam ko part din yun ng laro, at saka mas na-iinspire ako kasi maraming kababayan natin na sumusuporta sa akin." 

Marami ang nagsasabi na si Iniong ang isa sa mga pinaka-talented na female fighters ng Team Lakay, at kung maging impressive ang kanyang unang sabak sa loob ng ONE cage, hindi malayo na maging contender agad si Iniong, katulad ng naging landas ng kanyang kakampi na si Joshua Pacio, na pagkatapos ng dalawang impressive na panalo ay naging title challenger agad. 

Inamin din ni Iniong na ang reigning ONE atomweight world champion na si Angela Lee ay ang isa sa mga dahilan kung bakit siya pumunta sa ONE Championship. 

"To be honest, si Angela Lee yung isang reason kung bakit gusto kong lumaban dito sa ONE Championship, gusto ko din ma-try na malabanan yung champion,"

"Mas na-iimprove ako pag alam ko na mataas yung level ng makakalaban ko, mas ginaganahan ako." dagdag ni Iniong. 

Pero bilang nagsisimula pa lang siya sa kanyang career sa ONE, alam niya na hindi agad-agad ang pag-angat at siyempre ay kailangan niya itong trabahuin, at magsisimula ang lahat ng iyon sa kanyang unang laban. 

"Bago ko marating 'yun, dapat talunin ko muna yung mga ibibigay sa akin ng ONE Championship na kalaban, lalo na sa April 21, kailangan kong matalo si Natalie."

 

Panoorin ang ONE Championship: Kings of Destiny LIVE ngayong Friday, April 21, 8:30 PM sa S+A channel 23! 

Latest News