Honorio Banario pinayuhang 'mag-ingat' si Eduard Folayang laban kay Ev Ting

Santino Honasan on Apr 17, 2017 03:43 PM
Banario pinayuhang 'mag-ingat' si Folayang laban kay Ting
"Sa lahat ng anggulo, tingin ko advantage si Kuya Eduard, pero mag-ingat lang siya." - Honorio "The Rock" Banario

Sa darating na Biyernes, April 21, dedepensahan ni reigning ONE lightweight world champion Eduard "the Landslide" Folayang ang kanyang korona kontra kay Ev "ET" Ting ng Malaysia. 

Ito ang magiging unang title defense ni Folayang, at kampante ang kanyang mga kasamahan sa Team Lakay na magiging matagumpay ang kampeon na tubong-Baguio. 

Pero siyempre, hindi pwedeng maging-overconfident, lalo na sa laban, at ito ang naging payo ni dating ONE featherweight champion na si Honorio Banario sa kanyang 'Kuya Eduard'. 

"Alam kong prepared na prepared si Kuya Eduard, so yung inaadvise ko is mag-ingat lang siya, kasi hindi naman basta-basta si Ev Ting pagdating sa laro."

Galing sa first-hand experience ang payo ni Banario, sapakga't minsan na niyang nakaharap si Ting sa loob ng cage, at hindi naging pabor kay Banario ang resulta. 

Taong 2015 nang maglaban si Banario at Ting sa Malaysia, at sa loob lamang ng 58 seconds ay nahuli ni Ting si Banario ng guillotine choke. 

Aminado naman ang dating kampeon na in-underestimate daw niya si Ting, na noong panahon na iyon ay nanggaling din sa talo. 

"I-underestimate ko siya eh, kaya ako yung na-dali. Akala ko kayang kaya ko, wrestling ako ng wrestling, magaling pala."

Iyon ang huling talo ni Banario, na sa kasalukuyan ay mayroong three-fight winning streak, na maari pang madagdagan sa April 21. 

Bagamat naniniwala si Banario na lamang si Folayang sa lahat ng aspeto, pag-iingat pa din ang kanyang paalala sa kampeon. 

"Sa lahat ng anggulo, tingin ko advantage si Kuya Eduard, pero mag-ingat lang siya."

 

Panoorin si Eduard Folayang laban kay Ev Ting at Honorio Banario laban kay Jaroslav Jatim sa ONE Championship: Kings of Destiny, April 21, Friday sa Mall of Asia Arena. 

Mapapanood din ito LIVE simla 8:30 PM sa S+A channel 23! 

Latest News