Para kay Jeron Teng, ang excellence ay pinaghihirapan

ABS-CBN Sports on Aug 29, 2016 03:11 PM
Para kay Jeron Teng, ang excellence ay pinaghihirapan
"Gusto ko makita ng tao na pag nandoon ako sa loob ng court, binibigay ko talaga lahat, and pag nakikita nila ako maglaro, nakikita nila kung gaano ko kamahal yung pag-babasketball."

Mula pa noong mga araw niya sa high school, hanggang ngayon, sa kanyang huling taon para sa De La Salle Green Archers, si Jeron Teng ay siyang naging ehemplo ng kagalingan sa larong basketball.

Maski siya'y nakikipag-banggaan sa ilalim ng ring para maka-iskor, o kaya nama'y siya'y pumupukol ng mga jumpshot mula sa labas, taon-taon ay nagawa ni Jeron na mag-improve at mag-improve.

Pero para sa tinatawag na "King Archer" ng kanyang panahon, ang kagalingan sa paglalaro basketball ay hindi lamang dumadating. Ito ay pinaghihirapan. 

"Mas importante ang training kesa sa laro. Sa training, dapat mas mahirap siya eh, para pagdating ng laro, mas madali na lang." wika ni Jeron. "Minsan, kahit mag-isa ako, nagta-train pa ako, hinahanap ko kung ano yung kailangan ko pa i-improve talaga sa laro,para everytime, lagi akong nag-iimprove, para mas gumaling ako as a player"

Pero ano ba ang tumutulak kay Jeron para lalo pang humusay sa paglalaro?

"Motivation ko is to be known as a student-athlete na very committed to the sport."

Para kay Jeron, ang basketball ay hindi lamang basta-basta laro, kaya ganun na lang ang kanyag pagpursige na gumaling pa lalo. At gusto niya, makita iyon ng mga nakakapanood sa kanyang maglaro.

"Gusto ko makita ng tao na pag nandoon ako sa loob ng court, binibigay ko talaga lahat, and pag nakikita nila ako maglaro, nakikita nila kung gaano ko kamahal yung pag-babasketball."

Si Jeron Teng ay ehemplo ng excellence sa basketball, at ito'y nagmumula sa kayang pagmamahal para dito.

Latest News