Ang kakaibang tibay ni ultra-marathoner Rosalinda Ogsimer

ABS-CBN Sports on Sep 02, 2016 05:38 PM
Ang kakaibang tibay ni ultra-marathoner Rosalinda Ogsimer
"Yung determination mo na makatapos, yun ang nagpapaligaya sa’yo pag runner ka, yung makatapos ka." - Rosalinda Ogsimer

Hindi biro ang mag-marathon. 

Maraming kabataan na kahit gaano sila ka-lusog at kahit gaano sila kadalas mag-ensayo ay hindi nila kayang makatapos ng isang marathon. 

Kaya't lalong mas-nakakabilib ang 69-taong gulang na si Rosalinda Ogsimer, na siyang kilala bilang isang ultra-marathoner. 

Sa unang-unang 42K na takbo ni nanay Rosalinda, inabot siya ng mahigit anim na oras bago nakatapos, pero ayon sa kanya, mas mabilis pa daw sana natapos iyon kung hindi siya pinulikat. 

"Yung unang-una kong 42, 6-something yung time ko dun. Kung hindi ako nag-cramps dun, hindi lang siguro ganun ang time ko."

Dalawang paa umano ang inatake ng pamumulikat, ngunit ininda ni nanay Rosalinda ang hirap at sakit at kanyang tinapos ang marathon. 

"Dalawang paa yung nag-cramps eh, parang lumilihis yung paa ko," wika ni nanay Rosalinda. "Kahit masakit, tinakbo ko parin, hanggang sa naka-finish ako."

At dahil doon, nabigya ng atensyon ang nagawa ni nanay Rosalinda. Ika nga niya, doon siya nagsimulang sumikat. 

Kung dati, sumasakit ang kanyang katawan matapos ang 5K, ngayon ay 42K na ang tinatapos ni nanay Rosalinda. 

Mula sa tiyaga at sa tatag ng loob, tumibay si nanay Rosalinda. 

"Yung determination mo na makatapos, yun ang nagpapaligaya sa’yo pag runner ka, yung makatapos ka."

Latest News