Walang hangganan ang kakayanan ng magkapatid na Nelmida

ABS-CBN Sports on Sep 07, 2016 02:54 PM
Walang hangganan ang kakayanan ng magkapatid na Nelmida
"Ibang klase ang sipag and tiyaga nila, minsan ako na ang nagsasabi sa kanila na tama na ang training eh, kasi yung passion nila into doing anything na gustuhin nila, walang limits." - Coach Anthony Lozada

Kung sinabi mo kina Joshua at Jerome Nelmida na hindi nila kaya, malamang-lamang ay mapapahiya ka. 

Maliban sa pagtapos ng mga triathlon, ilang medalya na ang napanalunan ng magkapatid na ito, at nagawa nila ito sa kabila ng kanilang pagiging bulag. 

“Gusto ko po ipakita na kayang-kaya din po ng ibang mga persons with disabilities yung ginagawa ng mga taong walang kapansanan.” wika ni Jerome. 

Para naman kay Joshua, ang pagkakataon na ma-represent ang bansa ang inaasam niya. 

“Ito yung binigay sa akin ng Diyos na sport, gusto ko pong ma-achieve yung makapasok or makapag-represent ng country sa mga international league, so gusto ko pang mag-work harder.”

Ito ang passion na tumutulak sa magkapatid na Nelmida, at ayon sa kanilang coach na si Anthony Lozada, nagmula din ito sa paniniwala ng kanilang ina. 

“Nakakataba ng puso. Sabi nga ng mommy nila, do not focus on the disability, but on the ability, so yung sabi ng mommy nila na yun, yun din yung nag-fuel sa akin na maging mas-creative para sa kanila.”

Dagdag pa ni coach Anthony na di pangkaraniwan ang sipag, tiyaga, at pagmamahal ng magkapatid na si Joshua at Jerome. 

“Ibang klase ang sipag and tiyaga nila, minsan ako na ang nagsasabi sa kanila na tama na ang training eh, kasi yung passion nila into doing anything na gustuhin nila, walang limits.”

Ang excellence na pinapamalas ng magkapatid na Nelmida ay talagang nakamamangha, at patunay lamang ito na ang ang mga hadlang ay magiging hadlang lamang kung ito’y hahayaan mo. 

Latest News